Serbisyong Inilapit sa Mamamayan | “Your Name, Your Right,” Naghatid ng Agarang Tulong sa Brgy. Beleng

Muling naging sentro ng serbisyong pampubliko ang Barangay Beleng noong Pebrero 24, 2026 nang dagsain ito ng mga residente para sa programang “Your Name, Your Right” ng LCRO.

Mula sa mga opisyal ng barangay hanggang sa mga magulang, kabataan, at senior citizens, kapansin-pansin ang mataas na partisipasyon — patunay na malaki ang pangangailangan ng komunidad sa mga serbisyong may kinalaman sa dokumento at legal na pagkakakilanlan.

Binuksan ang programa sa mensahe ni Brgy. Kagawad Gloria Mula Cruz bilang kinatawan ni Punong Barangay Leopoldo J. Ocampo, kasama ang espesyal na mensahe ni Gng. Raquel Claveria, kinatawan ng Beleng Elementary School.

Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng maayos na rehistro at kumpletong papeles bilang mahalagang susi sa pang-araw-araw na transaksyon at pag-access sa mga serbisyo ng pamahalaan.

Sinundan ito ng makabuluhang talakayan ni Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr., na naglatag ng malinaw na paliwanag tungkol sa mga batas sa civil registry at pinakahuling abiso mula sa pambansang ahensiya ng estadistika.

Hindi lamang kaalaman ang hatid ng aktibidad sapagkat agad ding tinugunan ang iba’t ibang pangangailangan at problema ng mga dumalo sa pamamagitan ng mobile services tulad ng late registration ng kapanganakan, kasal, at kamatayan; Birth Registration Assistance Project; pagwawasto ng rekord; pagkilala ng ama sa anak at paggamit ng apelyido; legitimation; supplemental reports; at aplikasyon para sa libreng Kasalang Bayan.

Kasabay nito, may 30 na residente ang sumailalim sa data capture para sa upgraded Community Service Card sa pakikipag-ugnayan sa ICTO — isang hakbang na inaasahang magpapabilis sa pagtanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng digital na sistema ng lokal na pamahalaan.

Sa kabuuan, pinatunayan ng programa na kapag ang serbisyo ay inilalapit sa komunidad, mas marami ang natutulungan — mas mabilis ang proseso, mas malinaw ang impormasyon, at mas ramdam ng mamamayan ang tunay na malasakit ng serbisyong publiko. (Jasmin Junio/RSO; LCRO)