Muling dinala ng lokal na pamahalaan ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 noong Mayo 7, 2026 sa mga residente ng mga barangay ng Sanlibo, Idong, at Inanlorenza sa Catalino Castañeda Elementary School sa Brgy. Sanlibo, upang mailapit ang iba’t ibang serbisyo ng Munisipyo sa bawat indibiduwal at nang hindi na kinakailanga pang pumunta sa sentro ng bayan.
Gaano man kalayo ang venue, ito ay personal na dinaluhan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na nagbigay ng isang marubdob na mensahe. Aniya, “Hindi po kami mapapagod. Bakit? Dahil ang inyong mga ngiti at ang katiyakang kayo ay malusog at ligtas ang siyang pinakamatamis na sahod ng aming paglililingkod. Nawa’y sa araw na ito, higit ninyong maramdaman na kayo ang sentro ng ating bawat plano.”
Sa panimulang programa, nagbigay ng kani-kaniyang pagbati at inspirasyunal na mensahe ang mga lokal na opisyal, kabilang sina Punong Barangay (PB) Luzviminda V. Tamondong (Sanlibo) at Catalino Castañeda Principal Felipe T. Vallo Jr., habang naghatid din naman ng kani-kanilang mensahe sina Councilor Jocelyn S. Espejo at Councilor Rhyan P. De Vera. Kasama rin sa dumalo sina PB Jing A. Alonzo (Idong) at PB Rey B. Abrenica (Inanlorenza).
Nagkaroon din ng orientation hinggil sa mga serbisyong handog sa pangunguna ni Dr. Roland M. Agbuya, Rural Health Physician ng Rural Health Unit III.
Matapos ang pormal na paghahatid ng mga mensahe, agad na isinagawa ang paghahatid ng iba’t ibang libreng serbisyo para sa mga mamamayan. Kabilang dito ang libreng medical at dental services, late registration of birth, pagbabakuna sa mga alagang hayop, at employment services mula sa PESO. Nagbigay rin ng tulong sa mga negosyante sa pamamagitan ng pagre-renew ng business permits.
Bukod dito, namahagi rin ng libreng binhi at punla para sa mga magsasaka at residente, nagkaroon ng legal consultation at advice, aplikasyon para sa upgraded community service card, at libreng gupit para sa mga nais magpagupit. Ang mga serbisyong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng komunidad.
Nagbigay rin ng galak at tuwa sa bawat dumalo ang libreng lugaw na hatid ng Galila Mangan Tila, Ka-Niña-aro! truck at may libreng pamamahagi rin ng ice cream, tsokolate, at tsinelas.
Sa tala ng overall organizer ng KB Year 9, LCRO Ismael Malicdem Jr., may 1,901 na kliyente na nakapag-avail ng mga libreng serbisyong nagkakahalaga ng P125,193.79.
Sa kabuuan, matagumpay na naisakatuparan ang KSB Year 9, na muling nagpapatunay sa dedikasyon ng pamahalaang bayan ng Bayambang sa pagbibigay ng maagap, accessible, at komprehensibong serbisyo para sa bawat Bayambangueño. (John Loyd Tamondong/RSO; RobC – first 2 photos, AG, RHU)





