Muling dumagsa ang mga magulang, guro, at opisyal ng barangay sa Brgy. Tanolong Covered Court nitong Miyerkules, Pebrero 4, 2026, matapos magsagawa ang Local Civil Registry Office (LCRO) ng isang Information and Education Campaign (IEC) na layong ilapit sa mamamayan ang mahahalagang kaalaman at serbisyo kaugnay ng civil registration.
Sa ilalim ng temang “Your Name, Your Right!”, ipinaliwanag sa programa ang tamang pagrerehistro ng kapanganakan, kasal, at kamatayan, gayundin ang mga bagong patakaran at updates batay sa PSA Memorandum Circulars, upang maiwasan ang mga aberya at pagkakamali sa mga rekord sa hinaharap.
Pinangunahan ni Municipal Civil Registrar Mr. Ismael D. Malicdem, Jr. ang talakayan, kung saan malinaw niyang ipinaliwanag ang mga proseso sa civil registration at masinsing sinagot ang samu’t saring katanungan ng mga dumalo sa isinagawang open forum. Ipinabatid din niya ang iba’t ibang programa ng tanggapan at tiniyak na bukas at handang maglingkod ang LCR sa lahat ng Bayambangueño.
Ipinahayag naman nina Brgy. Kagawad Hon. Norberto A. Ildefonso at Mr. Teodoro Macaranas, kinatawan ng Tanolong National High School, ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa LCRO sa pagdadala ng mga serbisyo direkta sa komunidad.
Kasabay ng IEC, naghatid din ang LCRO ng mga serbisyong lubos na inaabangan ng publiko tulad ng mobile late registration, Birth Registration Assistance Project (BRAP), correction of entries, legitimation, paggamit ng apelyido ng ama ng non-marital child, supplemental reports, at maging ang Libreng Kasalang Bayan.
Tinalakay rin sa programa ang mga proseso sa pagkuha ng bagong Community Service Card, na nagsisilbi na ring ATM card, sa pakikipagtulungan ng Bayambang LGU at GCash, upang magamit sa pagtanggap ng mga pinansyal na tulong o ayuda mula sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na pinatutunayan ng LCRO na ang tamang rehistro ay karapatan ng bawat Bayambangueño at isang mahalagang susi sa maayos na kinabukasan. (LCRO; LCRO)






