Serbisyo ng LCRO, Inilapit sa mga Taga-Inirangan

Naging abala at makabuluhan ang araw ng mga residente ng Brgy. Inirangan, ngayong araw, Abril 22, 2026, matapos dalhin ng Local Civil Registry Office (LCRO) ang programang “Your Name, Your Right” direkta sa kanilang komunidad. Dumagsa ang mga mamamayan—mula sa mga magulang hanggang sa kabataan at nakatatanda—upang maproseso at maitama ang kanilang mahahalagang dokumento.

Sa pambungad na bahagi ng programa, ipinahayag ni Barangay Kagawad Samuel Agustin, bilang kinatawan ni Punong Barangay Jonathan Espejo, ang kahalagahan ng maayos na civil registration bilang pundasyon ng legal na pagkakakilanlan ng bawat indibidwal. Binigyang-diin niya na ang kumpletong dokumento ay mahalaga sa pag-access ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.

Nagbigay din ng mensahe si Gng. Rhodora S. Mondero, Punong Guro ng Inirangan Elementary School, na nagpahayag ng pasasalamat sa LCRO sa kanilang patuloy na pagtulong, lalo na sa mga mag-aaral na wala pang rehistradong kapanganakan.

Samantala, naghatid naman ng mahalagang impormasyon si Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr., ukol sa mga umiiral na batas sa civil registry at mga bagong patakarang ipinatutupad ng pambansang ahensya.

Hindi lamang impormasyon ang hatid ng programa kundi pati aktwal na serbisyo. Ilan sa mga serbisyong ipinagkaloob ay ang late registration ng kapanganakan, kasal, at kamatayan; Birth Registration Assistance Project; pagwawasto ng mga rekord; pagkilala ng ama sa anak at paggamit ng apelyido; legitimation; pagsusumite ng supplemental reports; at aplikasyon para sa Libreng Kasalang Bayan.

Bukod dito, 11 residente ang sumailalim sa data capture para sa upgraded Community Service Card na inaasahang magpapabilis sa kanilang pagkuha ng mga serbisyong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan.

Sa kabuuan, muling pinatunayan ng LCRO na ang pagdadala ng serbisyo sa mismong komunidad ay isang epektibong paraan upang mapabilis ang proseso, mapalawak ang kaalaman ng mamamayan, at higit na matugunan ang kanilang mga pangangailangan. (LCRO; LCRO)