SERBISYO DIRETSO SA MASA! | “Your Name, Your Right” Program, Dinagsa sa Brgy. Maigpa

Dinayo ng mga opisyal ng barangay, magulang, kabataan, at senior citizen ang isinagawang “Your Name, Your Right” program ngayong araw, Pebrero 13, 2026, sa Brgy. Maigpa, patunay ng matinding interes ng publiko sa mga serbisyong sibil at kaalamang legal.

Pinangunahan ni Maigpa Punong Barangay, Hon. Marcelo E. Vinluan, ang pambungad na pagbati, habang nagbahagi naman si Local Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ng mahahalagang impormasyon hinggil sa mga batas sa rehistro at pinakabagong updates mula sa Philippine Statistics Authority.

Hindi lamang kaalaman ang hatid ng programa kundi aktuwal na serbisyo na direktang tumugon sa pangangailangan ng mamamayan. Kabilang dito ang late registration ng birth, marriage, at death; Birth Registration Assistance Project (BRAP); correction of clerical errors; Admission/Acknowledgment of Paternity; paggamit ng apelyido ng ama para sa non-marital child; legitimation; supplemental report; at libreng Kasalang Bayan.

Samantala, siyam na residente ang tumanggap ng kanilang Birth Certificate in Security Paper (SECPA) at Municipal Form 102 habang isinabay ang data capturing para sa upgraded Community Service Card sa pakikipagtulungan ng ICTO — isang inisyatibang magpapadali sa pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa ilalim ng ugnayan ng LGU at GCash.

Ipinakita ng matagumpay na aktibidad na tuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyong sibil na direktang lumalapit sa komunidad — mabilis, maaasahan, at nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayan. (LCRO; LRO)