Ang 77 Senior Citizen Association Presidents ng Bayambang ay nagtipon sa isang General Assembly na ginanap ngayong arw, Enero 29, 2026, sa Mayor’s Conference Room.
Pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang muling paghalal ng mga opisyal ng Senior Citizens Associations, kabilang ang proseso ng re-election, mga kwalipikasyon ng mga benepisyaryo, at mga batayan ng diskwalipikasyon, upang masigurong ang pagpili ay patas, tapat, at transparent, at upang ang mga programa, benepisyo, at serbisyong inilaan para sa mga senior citizen ay maipatutupad nang maayos.
Tinalakay rin ang pagtatalaga ng mga opisyal para sa Barangay Senior Citizens Association at Federation of Senior Citizens Association upang maging mas mabilis at organisado ang paghahatid ng impormasyon, tulong, at mga programa ng pamahalaang lokal. Natalakay din sa pulong ang usapin tungkol sa tamang budgeting at maayos na paggamit ng pondo para sa mga programa at aktibidad ng mga senior citizens.
Kasama rin sa pulong ang pagtalakay sa iba’t ibang concerns at problema ng mga senior citizens mula sa iba’t ibang barangay.
Dumalo si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sa pulong upang magbigay ng gabay at tulong kung paano aayusin ang mga isyu at kung paano mapapabuti ang serbisyo ng bawat Senior Citizen President sa kanilang mga nasasakupan.
Binigyang-diin ni Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad ang kahalagahan ng pagbuo ng isang matatag at nagkakaisang samahan ng mga senior citizen sa Bayambang bilang isang organisasyong nagtutulungan, nagkakaunawaan, at iisang layunin ang pinaglilingkuran para sa kapakanan ng lahat ng mga senior citizen.
Nabanggit din ang planong pagpapatayo ng isang Senior Citizen Building sa Brgy. Magsaysay at isang walk trail sa plaza para sa mga senior citizen. (MADL/RSO; AG)






