Seminar ukol sa Katarungang Pambarangay, DAR Land Use Conversion, at DA Certification for Reclassification of Agricultural Lands, Isinagawa para sa mga Barangay Officials

Isang seminar tungkol sa Katarungang Pambarangay Law, DAR Land Use Conversion, at DA Certification for Reclassification of Agricultural Lands ang isinagawa ng Municipal Legal Office, sa layuning mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga Barangay Officials sa Bayambang ukol sa mga naturang paksa.

Ginanap ang seminar sa Balon Bayambang Events Center noong ika-14 ng Oktubre, 2024.  

Naging resource speakers sina Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr. at kasamahang sina Atty. Justine Alvarez at Charlemagne Papio, Dr. Jegie Malicdem ng Municipal Agriculture Office, at Atty. Auramil Anne E. Morales ng Department of Agrarian Reform.

Binigyang-diin dito ang mahalagang papel ng mga barangay officials sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay Law.

Tinalakay sa seminar ang mga “problem areas” sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay Law at ang tungkulin at responsibilidad ng mga barangay officials sa pagresolba ng mga alitan, pati na ang mga hakbang sa pagsasagawa ng mga pagdinig at pagpapasiya sa mga kaso, ang mga karapatan at obligasyon ng mga partido sa isang kaso, at ang mga epekto ng desisyon ng Lupong Tagapamayapa.  

Tinalakay din ang ukol sa DAR land use conversion at DA certification for reclassification na mga pangunahing kailangan bago gamitin ang isang agricultural land para sa non-agricultural purposes.

Nagkaroon din ng isang interaktibong forum na nagbigay ng pagkakataon sa mga barangay officials na magtanong at magbahagi ng kanilang mga karanasan sa pagresolba ng mga alitan sa kanilang mga barangay.

Ang seminar ay naging isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng Katarungang Pambarangay, kaya’t inaasahan ng lokal na pamahalaan na mas mapapabilis at mas magiging epektibo ang pagresolba ng mga alitan sa nasasakupan ng mga Punong Barangay. (Patrick Salas, Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan nina: AG, JMB)