Seminar sa “Efficiency in Public Service,” Dinaluhan ng Lahat ng LGU Department Heads

Upang mas mapaigting ang kahusayan sa paglilingkod-bayan, matagumpay na idinaos ng Human Resource Management Office (HRMO) ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang isang seminar na pinamagatang “Efficiency in Public Service: Leading with Impact” ngayong araw, ika-20 ng Oktubre, 2025. Ang seminar ay pinangunahan ni HRMO Head, Nora Zafra

Naghatid naman ng pambungad na mensahe si Municipal Administrator na si Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na nagpaalala sa mga empleyado na ang kahusayan sa trabaho ay direktang nagpapataas ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Naging resource speaker si Gng. Cherrie B. Bayuga, Supervising Human Resource Specialist mula sa Civil Service Commission (CSC) Region 1, na nagbahagi ng mga estratehiya at teknik upang mapabilis ang mga proseso sa opisina nang hindi isinasakripisyo ang kalidad. Kabilang sa tinalakay ang paggamit ng teknolohiya, pagpapahusay ng komunikasyon, at pagbuo ng sistemang nakatuon sa pangangailangan ng publiko.

Binigyang-pugay ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang HRMO sa pagsasagawa ng seminar, na bahagi ng kanyang layuning gawing modelo ang Bayambang sa mahusay at makataong pamamahala. “Public service is about serving people with a smile, with compassion, and with empathy. In addition, public servants are here to serve, not to be served,” paalala niya.

Dinaluhan ang programa ng mga permanenteng kawani ng munisipyo mula sa iba’t ibang departamento. Ayon kay Zafra, ang mga natutunang kasanayan ay magiging gabay sa pagbuo ng mas maayos at sistematikong workflow, lalo na sa pagharap sa mga hinaing at proyektong pangkomunidad.

Inaasahang magbubunga ang seminar sa mas mabilis at episyenteng pagtugon sa mga suliranin ng bayan, pati na rin sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan. (VMF; AG)