Seminar kontra Sexual Harassment, Naging Gabay sa mga Kawani ukol sa Pag-iwas at Pagtugon

Ngayong araw, May 22, 2025, nagsagawa ng isang seminar ang Municipal Human Resource Management Office (HRMO) hinggil sa Anti-Sexual Harassment Act (RA 7877).

Sa pangunguna ni HRMO department head Nora R. Zafra, ang seminar ay may layuning palakasin ang kamalayan at pagtutulungan ng bawat kawani ng gobyerno upang maiwasan ang sexual harassment sa kani-kanilang tanggapan o ano pa mang lugar.

Matapos ang pambungad na mensahe si Atty. Melinda Rose R. Fernandez, nagbahagi ang mga resource speaker na sina Police Chief Master Sergeant Zebedee D. De Leon at Police Lieutenant Elizabeth E. Quinio ng PNP-Bayambang ng impormasyon upang maprotektahan ang mga indibidwal mula sa sexual harassment at maiwasan ang anumang karahasan.

Ang seminar ay dinaluhan ng mga empleyado ng munisipyo, at sila ay nabigyan ng kaalaman tungkol sa RA 7877, kabilang na ang mga probisyon nito, at naturuan kung paano tutugon sakaling may insidente ng sexual harassment sa kanilang tanggapan.

Sa seminar na ito inaasahang mas napalalim ang kaalaman ng mga kalahok sa kahulugan ng sexual harassment, ang mga karapatan at proteksyon ng mga biktima, at ang mga responsibilidad at mga dapat gawin sa ganitong sitwasyon. (Mica Flores, VMF/RSO; larawan ni: AG)