Sa isinagawang ng Joint Quarterly Meeting para sa ikalawang quarter ng 2026 ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) at Municipal Peace and Order Council (MPOC), tinutukan ang isyu ukol sa seguridad sa mga paaralan, bunsod ng mga ulat ng insidente ng karahasan sa isang paaralan sa Tacloban City at iba pang lugar.
Ginanap ang pulong ngayong araw, Hunyo 24, 2026, sa Mayor’s Conference Room ng Bayambang Municipal Hall sa pag-oorganisa ng DILG sa pamumuno si MLGOO Arianne Peralta.
Ito ay dinaluhan ng mga miyembro sa pangunguna ni MADAC-MPOC Chairperson, Mayor Nina Jose-Quiambao.
Isa-isang nagtalakay ng kani-kanilang mga programa at hakbang para sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa bayan ang mga hepe ng Bayambang Municipal Police Station, Bayambang Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, 71st Infantry Battalion (Kaibigan), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bayambang Public Safety Office, at Parole and Probation Office.
Dahil sa itinaas na concern ni Mayor Niña, partikular na pinag-usapan ang mga nararapat gawin ng iba’t ibang departamento, lalo na ng PNP at Task Force Disiplina, sa pakikipagkoordinasyon sa DepEd, upang masiguro na ang mga kabataang mag-aaral ay nakakapasok sa eskwela at nakakapag-aral nang walang inaalang mga insidente ng bullying, karahasan, o anumang uri ng pang-aabuso o krimen mula kanino man, lalo na ang mga kamag-aral.
Kabilang sa mga iniatas na gawin ay ang paghihigpit sa seguridad sa pangunguna ng mga guwardiya upang walang makalusot na armadong estudyante, pinasidhing police visibility sa iba’t ibang paaralan lalo na sa Bayambang National High School, at pinag-ibayong information-education campaign.
Nagpasalamat si Mayor Nina sa lahat ng miyembro sa kanilang mga naging pagsisikap upang palaging mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bayambang. (Gwyneth Villanueva/RSO; Rob C, JLT)
















