ni April Joy Asuncion
Mula sa fashion runway tungo sa mas maayos at mas ligtas na mga tahanan, ginanap ang “Grand Ukay for a Cause: OOTD Fashion for Compassion, isang makulay na fashion show at live selling event sa Balon Bayambang Events Center noong ika-31 ng Marso, 2026.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Municipal Administrator at organizer, ang tunay na layunin ng nasabing programa. Ito ay ang pagbibigay ng mas maayos na tirahan para sa mga Bayambangueñong nangangailangan.
“Kapag sama-sama po tayong Bayambangueños, marami po tayong magagawa,” aniya.
Sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pre-loved na mga gamit at damit, auction para sa mga special luxury items, at ang kasiyahan ng isang live na runway, layunin ng programa na makalikom ng pondo para sa pagtatayo ng mga yunit ng kubo para sa 35 pamilyang Bayambangueñong benepisyaryong nangangailangan nito.
Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao na kinatawan ni Dr. Rafael Saygo, Municipal Councilor Jocelyn Santos, kasama ang mga Rotary Club members, pinasinayaan ang pagbubukas ng fashion show kung saan ibinida ang mga tote bag na gawa sa mga hindi nabentang damit noong nakaraang taon na nagpapakita ng sense of sustainability at creativity ng mga Bayambangueños.
“It’s more than just an ukay-ukay. We are not just selling clothes, we are building homes. It’s a symbol of hope for our Bayambangueños,” pagdidiin ni Mayor Niña.
Bumida sa fashion runway ang mga Binibining Bayambang kasama ng mga iba pang volunteer na LGU employees, municipal officials, at interns, a tulong na masiglang paghohost nina SK Federation President John Roy Jalac at Sergio delos Santos at mga miyembro ng LGBTQI Association of Bayambang. Bagamat hindi mga professional model, silang lahat ay nagpakita ng pagkakaisa at paglilingkod ng walang kapalit na bayad tungo sa mas mataas na layunin.
Ayon sa isang empleyado ng LGU na si Mark John Bautista, isa sa mga dahilan bakit siya sumali sa runway ay upang i-showcase na rin ang creativity ng Bayambangueños habang tumutulong sa pagbebenta.
Isa rin sa mga mamimili na si Julie Ann Leyba Dizon, Vice President ng KALIPI mula sa Brgy. Amancosiling, ang nagpahayag ng suporta: “I came here to help also our fellow Bayambangueños para sa cause na ito.”
Pinagsama ng inisyatibang ito ang kasiyahan ng isang fashion event at ang makabuluhang programa sa pabahay, na nagpapatunay na kapag nagkaisa ang mga Bayambangueño, kahit segunda manong mga gamit ay maaaring magtayo ng mas maayos at mas kumportableng kinabukasan para sa mga pamilyang walang maayos na tirahan.
Nang matapos ang programa, nanatiling malinaw ang mensahe: Sa Bayambang, ang fashion ay hindi lamang tungkol sa magagandang gamit at magagarang kasuotan—ito rin ay instrumento ng pagmamalasakit at pagbubuklod para sa ikabubuti ng komunidad. (mga larawan nina: Errol Andrade & Sarah Vicente – The Reflector; AG)








