SECPA Hatid-Bahay! Serbisyong Rehistro, Ramdam ng mga Residente

Noong Pebrero 10, 2026, ngiti at pasasalamat ang hatid sa 20 benepisyaryo nang personal na ihatid sa kanilang tahanan ang kanilang Birth Certificates in Security Paper (SECPA) sa ilalim ng Birth Registration Assistance Project (BRAP), sa pakikipagtulungan ng Philippine Statistics Authority.

Libre at walang anumang gastos ang serbisyong ito na late registration of birth para sa mga residente ng Tampog, Wawa, Amancosiling Norte, Bongato West, Bacnono, Buenlag 2nd, Caturay, at Sanlibo. Hindi na pumila, hindi na bumiyahe—serbisyo na mismo ang lumapit sa kanila!

Noong Pebrero 11, 2026 naman, dinagsa ng mga magulang at senior citizen ang programang “Your Name, Your Right” sa Brgy. Batangcaoa. Pinangunahan ni Punong Barangay, Hon. Santillan P. Abalos, ang pagbati, habang ibinahagi naman ni Local Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. ang mahahalagang kaalaman tungkol sa batas sa rehistro at pinakabagong PSA updates.

Bukod sa libreng kaalaman, tugmang-tugma rin sa pangangailangan ng publiko ang mga serbisyong inihatid, kabilang ang late registration ng birth, marriage, at death; correction of clerical errors; Admission/Acknowledgment of Paternity; paggamit ng apelyido ng ama para sa non-marital child; legitimation; supplemental report; at libreng Kasalang Bayan.

May pitong residente rin ang tumanggap ng kanilang Birth Certificate in Security Paper (SECPA), kasabay ng isinagawang data capturing para sa bagong Community Service Card sa pakikipagtulungan ng ICTO—isang hakbang upang mas mapadali ang pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa ilalim ng ugnayan ng LGU at GCash.

Patunay lamang na tuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyong sibil—direkta, mabilis, at para sa bawat mamamayan. (IDM/LCRO; LCRO)