Isang Search for Outstanding Barangay Nutrition Committee (BNC) ang isinagawa ng Municipal Nutrition Committee (MNC) ng bayan ng Bayambang noong Nobyembre 3–4, 2025, upang kilalanin ang mga natatanging barangay na nagpamalas ng mahusay na pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa kani-kanilang komunidad.
Mula sa 77 na barangay ng bayan, walong barangay ang napili para sa final validation: ang Brgy. Hermoza, Brgy. Tampog, Brgy. Sancagulis, Brgy. Magsaysay, Brgy. Zone 6, Brgy. Malimpec, Brgy. Bacnono, at Brgy. Manambong Sur.
Sinuri ang mga Barangay Nutrition Committee ng mga naturang barangay batay sa Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation – Protocol (MELLPI PRO) evaluation tool ng National Nutrition Council (NNC).
Kasama sa validation team ang kinatawan mula sa Municipal Local Government Operations Office (MLGOO), Municipal Agriculture Office (MAO), at Office of Barangay Accounting, na nagsagawa ng on-site validation upang masuri ang aktuwal na implementasyon ng mga programang pangnutrisyon sa barangay level.
Ang mga magwawaging barangay ay tatanggap ng cash prizes, plaques, at certificates bilang pagkilala sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagpapataguyod ng malusog at masustansiyang pamumuhay para sa mga Bayambangueño.
Ang gawaing ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Municipal Nutrition Committee na tiyaking ang lahat ng barangay ay tumatalima sa minimum standards ng National Nutrition Council sa implementasyon ng mga programang pangnutrisyon ng pamahalaan. (RSO; MNAO)





