Search for Nutrition A1 Child, Nagbigay-Diin sa Kalusugan at Talento ng mga Batang Bayambangueño

Ang wastong nutrisyon ay mahalagang pundasyon ng malusog na pangangatawan, matalinong pag-iisip, at maayos na pag-unlad ng bawat bata. Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 52nd Nutrition Month 2026, patuloy ang LGU-Bayambang na nagtataguyod ng wastong nutrisyon at nagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na maipamalas ang kanilang mga kakayahan at talento.

Ngayong araw, Hulyo 7, 2026, masayang idinaos ng Nutrition Technical Working Group sa pangunguna ni Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) Venus M. Bueno at MSWDO Early Education Focal Person Marvin P. Bautista ang Search for Nutrition A1 Child (Year 9) na may tampok na Kids Got Talent sa Balon Bayambang Events Center.

Tampok sa programa ang walong masisigla at mahuhusay na batang kalahok mula sa iba’t ibang Child Development Centers (CDCs) ng Bayambang. Bukod sa pagpapamalas ng kanilang husay sa pag-awit, pagsayaw, at iba pang pagtatanghal, humataw rin sila sa creative costume kung saan isinuot nila ang makukulay at malikhaing kasuotang yari sa mga masustansyang gulay at prutas.

Narito ang listahan ng mga nagwagi:

Nutrition A1 Child Champion – #8, Zorelle Bhagish A. Espetero ng Brgy. Asin na may 96.67% average score

1st Runner Up – #4, Shaniah Faith S. Junio ng Brgy. Inanlorenza na may 94.67%

2nd Runner Up- #2, Ysabella Edelle G. Gacutan ng Brgy. Tambac at Municipal CDC na may 94.00 %

Sa kanyang welcome remarks, binigyang-pugay ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang husay at pagkamalikhain ng mga batang Bayambangueño. Aniya, ang kabataan ang tunay na pag-asa ng bayan at sila ang magiging mga susunod na lider ng ating komunidad, kaya nararapat lamang na patuloy silang gabayan, alagaan, at suportahan upang maabot ang kanilang mga pangarap.

Inihatid naman ni Sangguniang Bayan Committee Chairperson on Social Welfare, Councilor Jocelyn Espejo, ang mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na nagpahayag ng kanyang kagalakan sa lahat ng mga batang kalahok at binigyang-diin na ang bawat isa ay pinagkalooban ng Diyos ng natatanging talento. Pinasalamatan din niya ang mga magulang sa pagbibigay ng matibay na pundasyon upang lumaking malusog, disiplinado, at may tiwala sa sarili ang kanilang mga anak.

Dagdag pa niya, patuloy na titiyakin ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang na ang bawat batang Bayambangueño ay magiging ligtas, malusog, at mabibigyan ng suporta sa anumang larangang nais nilang tahakin.

Nagbigay rin ng mensahe si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, na nagsabing higit na nagniningning ang talento ng isang bata kapag siya ay malusog at patuloy na umuunlad. Hinikayat niya ang mga kabataan na huwag tumigil sa pangangarap, patuloy na hasain ang kanilang kakayahan, at buong kumpiyansang ipakita ang kanilang mga talento.

Kabilang sa naging hurado sina LGBTQI President Joyce M. de Guerto, Urbiztondo CDW President Maricel S. Perez, at DSWD Project Development Officer II Ma. Jennifer M. de Vera, na nagsuri sa talento at pagkamalikhain ng bawat bata.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Search for Nutrition A1 Child, higit na napapalakas ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng wastong nutrisyon habang nabibigyan ng pagkakataon ang mga batang Bayambangueño na malinang ang kanilang talento at mapaunlad ang kanilang tiwala sa sarili sa pagtataguyod ng isang malusog at masiglang pamayanan. (VMF/RSO; AG)