School Safety and Security, Sentro ng Talakayan sa LSB Meeting

Bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa sektor ng edukasyon, nagsagawa ang Local School Board (LSB) ng isang special meeting ngayong araw, June 29, 2026, sa Balon Bayambang Events Center upang talakayin ang mahahalagang programa at prayoridad para sa kapakanan ng mga paaralan sa bayan.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, dumalo si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, kasama si SB Committee Chairman on Education, Councilor Jan Nazer David B. Junio. Nakiisa rin sa pulong ang mga miyembro ng LSB sa pamumuno ni LSB Executive Director Rolando Gloria, mga kawani ng munisipyo, at mga school heads mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Bayambang.

Naging sentro ng talakayan ang school safety and security, kung saan ipinaliwanag ni PLtCol Rommel P. Bagsic, Acting Chief of Police ng Bayambang, ang mga hakbang upang higit na mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Isa sa mga mungkahing inihain ng mga school head ang pagkakaroon ng security guard sa bawat paaralan, na maaaring pondohan sa pamamagitan ng Special Education Fund (SEF), upang makapagbigay ng mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Tinalakay rin sa pulong ang iba pang mahahalagang usapin, kabilang ang pagkukumpuni at pagpapanatili ng mga pasilidad ng paaralan, ang paghahanda ng 2027 Special Education Fund (SEF) budget na ipinaliwanag ni Budget Officer Christine Bautista, at ang anim na taong plano para sa SEF na tinalakay ni Municipal Planning and Development Coordinator James Ryan Nicholai Dizon. Ipinaliwanag din ni Acting Municipal Treasurer Charmaine C. Bulalakaw ang mga alituntunin sa paggamit ng SEF upang matiyak ang mas maayos at epektibong pagpapatupad ng mga programang pang-edukasyon.

Sa pamamagitan ng pagpupulong ng LSB, patuloy na pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ang kanilang pakikipagtutulungan sa DepEd upang maisulong ang de-kalidad, ligtas, at mas inklusibong edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral sa bayan. (VMF/RSO; JMB, Gwyneth M. Villanueva)