Pinangunahan nina Special Assistant to the Office of the Mayor (SATOM), Dr. Cezar T. Quiambao, ang pagpupulong ng Task Force Disiplina noong Hulyo 14, 2025, bilang paghahanda sa nalalapit na opisyal na operasyon nito.
Tinalakay sa pagpupulong ang magiging slogan ng organisasyon, gayundin ang sistema ng koordinasyon sa pagitan ng barangay officials, pulisya, at iba pang ahensya para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga batas.
Napag-usapan din ang uniform design at kabuuang bilang ng personnel ng Task Force Disiplina upang matiyak ang maayos at organisadong operasyon. Isa rin sa mga tinutukan ang mga paraang gagamitin upang maipabatid sa publiko ang layunin at saklaw ng operasyon, gaya ng paglalagay ng mga poster, signage, at tarpaulin na ipapaskil sa mga pangunahing lugar sa bayan at mga massive information campaign.
Layunin ng Task Force Disiplina na palakasin ang pagpapatupad ng mga lokal na batas na may kinalaman sa kaayusan at disiplina sa bayan.
Kabilang sa mga mahigpit na ipagbabawal ang ilegal na pagpaparada, ilegal na pagtitinda, paninigarilyo at pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, pamamalimos at pagpapalimos, pagmamaneho habang nakainom, paggamit ng mga modified muffler, pagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet, hindi wastong pagtatapon ng basura, paggamit ng mga plastic bag, at ang pagala-galang hayop sa mga lansangan.
Layunin ng pulong na pagtibayin ang mga istratehiya ng task force para sa mas ligtas, malinis, at disiplinadong Bayambang. (RGDS/RSO; AG)








