Pinarangalan ng Department of Education – Schools Division Office I Pangasinan si SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao at ang Local Government Unit (LGU) ng Bayambang bilang pagkilala sa matibay nitong suporta sa mga programa at proyekto ng kagawaran, at ang parangal ay iginawad bilang parte ng 2025 Local Stakeholders’ Convergence ng ahensya na ginanap sa El Jardine Restaurant, Lingayen, Pangasinan, nitong Nobyembre 21, 2025.
Pinarangalan bilang Rank 1 o Most Notable Stakeholder si Dr. Quiambao bilang pagkikala sa kanyang ibinigay na suporta sa pagkakatayo ng Don Teofilo C. Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue, kung saan tatlong classrooms at isang opisina nito ay kanyang ipinagawa gamit ang pribadong pondo.
Kasama sa pagkilalang ito ang buong LGU-Bayambang sa pamamagitan ng Local School Board sa pangunguna ni LSB Executive Director Rolando Gloria, DepEd Bayambang I sa pangunguna ni PSDS, Dr. Longino D. Ferrer, at ang Don Teofilo C. Mataban Memorial School sa ilalim ng Principal nito na si Dr. Ela B. Macaraeg.
Naroon din sa seremonya si Councilor Jan Nazer David Junio upang irepresenta si Mayor Niña Jose-Quiambao sa “mahalagang ambag ng LGU-Bayambang sa pagsusulong ng de-kalidad, accessible, at makabuluhang edukasyon para sa lahat, na nagsisilbing katuwang sa pag-abot ng layunin ng kagawaran na magbigay ng mapagpalayang basic education.”
Iginawad ang parangal sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Fatima R. Boado, bilang patunay sa pagpapahalaga ng DepEd sa patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan para sa ikauunlad ng sektor ng edukasyon sa Bayambang at buong Pangasinan. (RSO; LSB)











