Pinarangalan si Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, ng Don Teofilo C. Mataban Memorial School (DTCMMS) bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapaunlad ng edukasyon sa komunidad.
Ang nasabing parangal ay iginawad bilang pagkilala sa naging kontribusyon ni Dr. Quiambao, partikular na sa kanyang pagbibigay ng donasyon para sa kauna-unahang gusali ng paaralan. Malaki ang naging papel nito sa pagtatatag ng isang ligtas at maayos na pasilidad at kapaligiran para sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon kay DTCMMS Principal, Dr. Ela B. Macaraeg, ang naturang tulong ay nagsilbing pundasyon ng patuloy na pag-unlad ng institusyon at nagbigay-daan upang mas mapalawak ang serbisyong pang-edukasyon para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon.
Tinanggap ang parangal ni Local School Board Executive Director Rolando Gloria bilang kinatawan ni Dr. Quiambao. Ipinahayag niya ang pasasalamat sa pagkilala at muling pinagtibay ang patuloy na suporta sa mga programang naglalayong iangat ang kalidad ng edukasyon sa lokal na pamayanan.
Kasabay ni Dr. Quiambao na pinarangalan si Don Teofilo Mataban, ang nagdonate naman ng lupang kinatitirakan ng eskwelahan, na nirepresenta ni Dr. Raquel Pambid.
Ang pagkilalang ito ay patunay sa patuloy na dedikasyon ng LGU-Bayambang sa ilalim ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pagtataguyod ng de-kalidad na edukasyon at pakikiisa sa mga inisyatibong pangkaunlaran sa Bayambang. (John Andrew Bacani/RSO; LSB)



