Sanggol na may Cleft Lip at Cleft Palate, Napa-operahan ng Libre!

Isang walong-buwang gulang na sanggol mula sa Brgy. Bongato East na may cleft lip at cleft palate ang matagumpay na naasistehan sa pakikipag-ugnayan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa Kapampangan Development Foundation Inc., San Fernando City, Pampanga at sa pagbibigay ng Bayambang Public Safety Office ng transportation assistance.

Noong Hunyo 15, 2026, siya ay dinala sa Dr. Jesus A. Datu Medical Center (JADMC) – Cleft Division, Bacolor, Pampanga, upang sumailalim sa kinakailangang operasyon. Sa kabutihang-palad, matagumpay na naisagawa ang kanyang cleft surgery nitong Hunyo 17, 2026.

Ang tagumpay na ito ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan at ng patuloy na pagsuporta sa mga batang nangangailangan ng espesyal na serbisyong medikal.

Patuloy na magsisilbi ang PDAO upang matulungan ang ating mga kababayang persons with disability (PWDs) at mga batang nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.

Maraming salamat sa lahat ng naging bahagi ng makabuluhang misyong ito. Sama-sama nating ipagpatuloy ang pagbibigay ng pag-asa at mas maliwanag na kinabukasan para sa ating mga kababayan. (PDAO/RSO; PDAO)