San Vicente Ferrer Parish Church, Idineklara bilang Archdiocesan Shrine

Idineklara bilang isang archdiocesan shrine o Santuario de San Vicente Ferrer ang simbahan ng parokya ni San Vicente Ferrer sa pangunguna ni Most. Rev. Socrates B. Villegas, D.D., Arsobispo ng Lingayen-Dagupan noong Abril 5, 2025, araw ng Sabado, na siya ring araw ng kapistahan ng patron at araw ng pagkakatatag ng bayan ng Bayambang.

Matatandaang itinatag ang Parokya ni San Vicente Ferrer noong 1614, sa ilalim ng dating pangalan na Vicariate of Binalatongan. Noong Abril 6, 1898, opisyal itong nalipat sa pangangalaga ng mga diyosesanong pari, na siyang naging simula ng mas malalim na paglago ng pananampalataya sa bayan.

Sa paglipas ng mga dekada, nasaksihan ng bayan ng Bayambang ang patuloy na paglago ng debosyon kay San Vicente Ferrer, kasabay ng pagtatayo at pagsasaayos ng simbahan.

Inumpisahan ang pagdiriwang sa isang taimtim na prusisyon dakong alas sais ng umaga, na nilahukan ng mga deboto mula sa 12 barangay, mga grupo mula sa simbahan, Knights of Columbus, Urdaneta City University Drum and Bugle Corps, at mga estudyante ng St. Vincent’s Catholic School of Bayambang Inc. kasama ang kanilang Drum and Lyre Corps (DLC).

Dagdag dito, ipinarada ng mga barangay ang imahe ni San Vicente Ferrer habang nagdarasal ng rosaryo.

Sinundan naman ito ng isang banal na misa ganap na alas otso ng umaga, na pinangunahan ni Arsobispo Socrates, katuwang sina auxiliary bishop, Most Rev. Fidelis B. Layog, parish priest, Fr. Reydentor G. Mejia, at iba pang mga pari mula sa iba’t ibang parokya.

Ang seremonya ay ginanap sa harap ng daan-daang deboto, na taimtim na nakiisa sa makasaysayang pagtatalaga ng parokya bilang archdiocesan shrine.

Bilang pakikiisa sa espesyal na okasyon, dumalo rin sa pagtitipon si Dr. Cezar T. Quiambao, dating alkalde ng Bayambang, kasama ang anak nila ng kasalukuyang alkalde na si Mayora Niña-Jose Quiambao na si Antonio.

Hindi rin matatawaran ang aktibong suporta ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Niña, katuwang ang MDRRM Council, dahil sila ay nagbigay ng pagkain, tubig, medics, at seguridad upang matiyak ang kaayusan ng pagdiriwang.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng bagong titulo ng simbahan sa pagpapaigting ng espiritwalidad at pagkakaisa ng mga Bayambangueño.

“I know this milestone will serve a great purpose for the betterment of Bayambang,” aniya. Dagdag pa niya, “Together, let us pray for spiritual growth and strengthened bond as a united Balon Bayambang.”

Mapapansin na ang makasaysayang kaganapan, kasabay ng isa pang makasaysayang pagkakaroon ng bagong pari na taga-Bayambang na si Fr. Alexander I. Martinez matapos ang 29 na taon, ay nataon sa panunungkulan ni Mayor Niña.

Ayon kay Fr. Jhed Mark Lavarias, ang pagiging archdiocesan shrine ng simbahan ay may malaking epekto sa pagpapaunlad ng pananampalatayang espirituwal ng mga Bayambangueños.

“It is an invitation for the Bayambangueños to continue the mission of Christ,” saad nito.

Hindi magiging posible ang canonical elevation ng simbahan ng parokya ng San Vicente Ferrer kung hindi dahil sa kooperasyon ni Dr. Cezar T. Quiambao, Mayor Niña Jose-Quiambao, at ni Fr. Reydentor Mejia, kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang mga parish ministry.

Isang malaking karangalan para sa Bayambang ang opisyal na deklarasyon dahil inaasahang magiging sentro ang archdiocesan shrine ng pananampalataya at debosyon ng mga mamamayan.

Isinulat nina: Artemus Clyde DG. Dela Cruz, Djonna Catrise V. Bato, at Hannah Nicole DC. Gabriel.

Mga larawan nina: Princess Mae L. Abalaing, Zentheo P. Raguindin, Euro S. Gumahin, at Prince Charles S. Medel, JMB, JSE, Rob Cayabyab

Iniwasto ni: G. Frank Brian S. Ferrer