San Roque Multipurpose Project, Pinag-aralan ng MDRRMO sa Isinagawang Technical Visit

Nagsagawa ng pagbisita ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Bayambang sa San Roque Power Corporation upang pag-aralan ang San Roque Multipurpose Project (SRMP) na matatagpuan sa mga bayan ng San Nicolas at San Manuel, Pangasinan nitong Mayo 19, 2026.

Pinangunahan ni LDRRMO Genevieve N. Uy ang pagbisita, kasama ang mga kawani ng MDRRMO, si Municipal Local Government Operations Officer Editha Soriano, mga Barangay Secretary na sina Lyn Gawat and Sonny Balansay, mga School Head na sina Mr. Armando Domine at Mr. Robert Rebamontan, School DRRM Officer ng DepEd Bayambang I at DepEd Bayambang II, at saka MTICAO-PIO staff.

Layunin ng naturang pagbisita na mapalawak ang kaalaman ng tanggapan hinggil sa mahahalagang operasyon at ambag ng proyekto sa disaster risk reduction, flood control, at enerhiya sa Luzon.

Ang San Roque Multipurpose Project ay itinayo noong 2003 upang mapakinabangan ang lakas ng Agno River at makapagbigay ng apat na pangunahing benepisyo sa mga komunidad sa Gitnang Luzon—irigasyon, flood control, suplay ng kuryente, at pagpapabuti ng kalidad ng tubig. Pinangangasiwaan ng San Roque Power Corp. (SRPC) ang operasyon at maintenance ng pasilidad, na kinikilala ngayon bilang isa sa mga pinaka-modernong hydroelectric facilities sa buong mundo.

Noong Disyembre 2024, ginawaran ang proyekto ng Hydropower Sustainability Standard Silver Certification at naging kauna-unahang hydropower plant sa Pilipinas at Southeast Asia na makatanggap ng naturang pagkilala.

Sa isinagawang pagbisita, tinalakay rin ang mahahalagang katangian ng proyekto kabilang ang irrigation system, flood control measures, peaking power generation, at water quality management. Ipinakita rin ang iba’t ibang technical features ng San Roque Dam tulad ng hydrology system, reservoir, dam structure, spillway, power tunnel, turbines, generators, power transmission facilities, at low-level outlet na mahalaga sa operasyon at kaligtasan ng proyekto.

Nagkaroon din ng open forum pagkatapos ng talakayan kung saan nabigyang-linaw ang ilang mahahalagang katanungan kaugnay ng proyekto. Ayon sa pamunuan ng SRPC, hindi nagdudulot ng pagbaha sa downstream areas ang SRMP. Sa halip, nakatutulong ito sa pagpapahina ng epekto ng pagbaha sa ibabang bahagi ng Agno River sa pamamagitan ng pag-iimbak ng tubig tuwing malalakas na pag-ulan at maayos na regulasyon ng paglalabas ng tubig downstream.

Nilinaw rin na ligtas ang San Roque Dam kung sakali man magkaroon ng emergency situation tulad ng malakas na lindol at matagalang pag-ulan dahil ito ay itinayo ng mga world-class contractors at dam experts kabilang ang bansang Japan gamit ang makabagong engineering technologies at best management practices.

Ipinakita rin ng SRPC kung papaano ang proseso ng paglikha ng kuryente sa pamamagitan ng dam. 

Sa pamamagitan ng naturang technical visit, mas napalawak ang kaalaman at pag-unawa ng MDRRMO-Bayambang sa mga sistemang may malaking ambag sa disaster preparedness, enerhiya, at pangkalahatang kaunlaran ng mga komunidad.

Ang MDRRMO ay nagpapasalamat sa pagpapaunlak sa kanila nina Mr. Tommy T. Valdez, San Roque Power Corporation Vice-President, at Engr. Clifford Jake V. Caramat, Engineering Assistant ng San Roque Power Corporation at For. Ellenor  A. Perez, Section Chief, San Roque Watershed Area Team, at Engr. Glenn Arvin M. Magcalas, Principal Engineer B-Flood Forecasting and Warning System Division ng National Power Corporation. (JLT/RSO; JLT)