Sampung Munting Bayambangueño, Sumabak sa Kauna-unahang Baby Crawl Challenge

Ang malusog na kinabukasan ay nagsisimula sa mga unang yugto ng buhay ng isang bata, kaya’t mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman at tamang gabay ang mga magulang sa pag-aaruga at nutrisyon ng kanilang mga anak.

Bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026, ginanap noong  Hulyo 8, 2026, sa Balon Bayambang Events Center ang kauna-unahang ‘Baby Crawl Challenge’ sa Amazing Race Season 3 na hango sa konsepto ng NBA Baby Crawl Challenge na napapanood sa telebisyon.

Nilahukan ang naturang aktibidad ng 10 sanggol na may edad 6 hanggang 12 buwan, na masayang nagpakitang-gilas sa kanilang paggapang habang masiglang inaalalayan at hinihikayat ng kanilang mga magulang.

Sa mensahe ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan na inihatid ni G. Victoria Malagotnot, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagtataguyod ng kalusugan at tamang nutrisyon ng mga bata bilang mahalagang puhunan para sa kinabukasan ng bayan.

Pahayag naman ni Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo, mahalaga ang maagang pangangalaga sa kalusugan ng mga sanggol at patuloy na pakikilahok ng mga magulang sa mga programang naglalayong mapabuti ang kanilang kaalaman sa nutrisyon at child care.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng isang information, education, and communication (IEC) session, kung saan ipinaliwanag nina RHU I Consultant, Dr. Mariz M. Cabuag at RHU II Nurse Madonna Junio sa mga buntis at nagpapasusong ina ang tungkol sa wastong nutrisyon, breastfeeding, tamang pag-aalaga sa mga sanggol, at kahalagahan ng maayos na pagpapalaki ng mga bata bilang pundasyon ng isang malusog na henerasyon.

Bilang bahagi ng aktibidad, naglaan ng mga papremyo para sa mga kalahok. Nasungkit ni Baby No. 1 ang 1st prize na nagkakahalaga ng ₱3,000, habang nakuha naman ni Baby No. 8 ang 2nd prize na may ₱2,000. Samantala, si Baby No. 10 ang nagwagi ng 3rd prize na may ₱1,000. Ang iba pang mga kalahok ay tumanggap naman ng ₱500 bilang consolation prize. Bukod dito, bawat kalahok ay pinagkalooban ng isang baby clothing set, habang ang lahat ng dumalo sa IEC session ay tumanggap ng pranela bilang karagdagang suporta sa pangangalaga ng kanilang mga sanggol.

Ang pormal na paggawad ng mga gantimpala sa mga nagwagi ay isasagawa sa Gawad Parangal sa darating na July 29, 2026.

Ang ganitong inisyatibo ay patuloy na isinusulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao na siyang pangunahing nagtataguyod ng mas malusog at mas matatag na kinabukasan para sa bawat batang Bayambangueño. (VMF/RSO; AG)