Safe and Conducive Workplace Seminar, Isinagawa

Upang mapalawak ang kaalaman ng mga empleyado hinggil sa pagpapanatili ng ligtas, maayos, at produktibong lugar ng paggawa, nagsagawa ang Human Resource Management Office (HRMO) ng Safe and Conducive Workplace Seminar noong Nobyembre 5, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.

Dumalo sa naturang aktibidad si Acting Municipal Administrator, Atty. Bayani Brillante Jr., na nagbigay ng inspirasyonal na mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng disiplina, malasakit, at integridad sa bawat lugar ng trabaho bilang susi sa isang ligtas at maunlad na organisasyon.

Layunin ng naturang pagsasanay na palakasin ang kamalayan ng mga kawani sa kahalagahan ng kaligtasan, kalusugan, at produktibong kapaligiran bilang naangkop na espasyo sa trabaho, hanapbuhay, empleyo, o propesyon.

Si Dr. Madlyn D. Tiangco, Campus Executive Director ng Pangasinan State University–Bayambang Campus, ang nagsilbing pangunahing tagapagsalita na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman at praktikal na gabay para sa pagpapanatili ng isang positibo at kaaya-ayang lugar ng paggawa.

Sa pagtatapos ng programa, nagpasalamat si Ms. Nora R. Zafra, MGDH I ng HRMO, sa lahat ng lumahok at hinikayat ang mga kawani na magtulungan upang mapanatili ang ligtas at kaaya-ayang lugar ng trabaho sa munisipyo.

Sa kabuuan, ang naturang seminar ay nagsilbing paalala na ang ligtas na lugar ng empleyo o paggawa ay pundasyon ng isang masigla, produktibo, at maayos na samahan tungo sa mas episyente at maayos na serbisyo publiko. (Charlaine T. Melendez/JLT/RSO; AG)