Rotary Club of Bayambang, May Adisyunal na Donasyong ₱20,000 para sa “Grand Ukay for a Cause”!

Muling ipinamalas ng Rotary Club of Bayambang ang diwa ng ng malasakit at pagtutulungan sa kanilang donasyon kamakailan na nagkakahalaga ng ₱20,000 para sa proyektong “Grand Ukay for a Cause,” kung saan ang nasabing halaga ay inilaan para sa pagpapatayo ng isang bahay kubo para sa napiling benepisyaryo.

Ayon sa ulat, bukod pa sa kinita mula sa kanilang mga donasyong pre-loved items sa aktibidad, nagdagdag pa ang Rotary Club ng nasabing halaga bilang suporta sa layunin ng proyekto.

Ang donasyon ay personal na iniabot nina Past President Aster Wilhelm at President Leonara Sagun bilang kinatawan ng kanilang samahan.

Hindi lamang sa pinansyal na aspeto at pagdodonate nagpakita ng suporta ang Rotary Club. Katuwang din sila ng Lokal na Pamahalaan (LGU) sa mismong pag-oorganisa ng “Ukay for a Cause,” aktibong nakilahok sa pagbili ng mga paninda, at naging bahagi ng “Fashion for Compassion,” kung saan sila ay rumampa bilang pagpapakita ng pakikiisa sa adhikain ng proyekto.

Ang ganitong uri ng pagtutulungan ay patunay na sa sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor—mula sa pribadong organisasyon hanggang sa pamahalaan—ay mas napapalawak ang oportunidad na makatulong at makapagbigay ng positibong pagbabago sa komunidad. (RSO; RC-Bayambang)