Nagtulungan ang mga traffic enforcer ng Bayambang Public Safety Office at mga tauhan ng Task Force Disiplina (TFD) at Bayambang Police Station upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa mga pangunahing lansangan ng bayan kaugnay ng pagdaraos ng Tour de Pangasinan ngayong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, 2026.
Maagang nag-deploy ng mga personnel sa mga rutang dinaanan ng karera ng mga siklista upang magsagawa ng traffic management, crowd control, at pag-aalis ng mga sagabal sa kalsada. Layunin nitong mapanatiling ligtas ang mga kalahok sa paligsahan gayundin ang mga motorista at mamamayang maaapektuhan ng aktibidad.
Nagsagawa rin ang mga kinauukulang ahensya ng masusing pagmamanman sa mga pangunahing interseksyon at kritikal na bahagi ng ruta upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at maiwasan ang anumang insidente habang isinasagawa ang cycling event.
Dahil sa maagap na koordinasyon at pagtutulungan ng mga law enforcement at public safety personnel, naging maayos at ligtas ang pagdaan ng mga kalahok ng Tour de Pangasinan sa nasasakupan ng Bayambang.
Ang bayan ng Bayambang ay kinikilalang “home of the father of Philippine cycling” na si Atty. Geruncio ‘Gerry’ Lacuesta. (RSO; TFD)





