Muling pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang mga road-clearing operations upang matugunan ang lumalalang problema sa trapiko, lalo na sa Poblacion area. Lalo na ngayong papalapit na ang pagbubukas ng klase, asahan ang lingguhang operasyon sa mga pangunahing kalsada upang alisin ang mga ilegal na obstruction gaya ng nakaparadang sasakyan, tindahan sa bangketa, at iba pang sagabal sa maayos na daloy ng trapiko.
Ang mas pinaigting na operasyon ay bahagi ng ilulunsad na Task Force Disiplina, na layong ipatupad ang kaayusan, kalinisan, at disiplina sa mga lansangan. Hindi lamang ito tugon sa pasukan kundi bahagi rin ng patuloy na kampanya ng LGU para sa mas maayos at ligtas na bayan.
Pinangunahan ng PNP, BPSO, MDRRMO, BFP, ESWMO, Treasury/ BPLO, at Engineering Office ang mga clearing operations. Sama-sama nilang sinuyod ang mga lansangan upang matukoy at alisin ang mga hadlang sa daan.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa pakikiisa ng publiko sa kampanya. “Ang kaayusan sa lansangan ay responsibilidad nating lahat”. Patuloy ang panawagan para sa disiplina at kooperasyon upang masigurong ligtas, malinis, at maayos ang daloy ng trapiko sa pagsisimula ng bagong school year.