RHU Municipal Birthing Home Facility, Tinanggap ang 2026 Akreditasyon mula PhilHealth

Opisyal nang iginawad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang sertipiko ng akreditasyon sa Bayambang Municipal Birthing Home Facility na nasa ilalim ng Rural Health Unit I (RHU I) ng bayan.

Ang nasabing akreditasyon ay magkakabisa sa buong taong 2026, at pormal itong iprinesenta noong Mayo 4, 2026, kasabay ng regular na flag-raising ceremony na idinaos sa Balon Bayambang Events Center, sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at ang mga opisyal ng kagawaran ng kalusugan na sina Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo, at mga Rural Health Physician na sina Dr. Adrienne Estrada ng RHU II at Dr. Roland Agbuya ng RHU III.

Ang akreditasyong ito ay matibay na patunay na natugunan ng pasilidad ang lahat ng pamantayan at kinakailangang kwalipikasyong itinakda ng ahensya. Dahil dito, tiyak na makapagbibigay ito ng de-kalidad, ligtas, at abot-kayang serbisyong medikal lalo na para sa mga nagdadalang-tao, manganganak, at mga bagong silang na sanggol.

Bukod sa mga serbisyo sa panganganak, sakop din ng akreditasyon ang pamamahagi ng mga gamot sa ilalim ng PhilHealth Gamot Package. Malaking tulong ito upang mas mapagaan ang gastusin at mas maging komportable ang mga pasyente habang tumatanggap ng lunas. Ang bisa ng akreditasyon ay tatagal hanggang Disyembre 31, 2026. (VMF/RSO; AG)