Sa layuning palakasin ang kaalaman ng mga ina tungkol sa kalusugan, pinangunahan ng Rural Health Unit III (RHU III) ang ikalawang batch ng “Buntis Congress” na may temang “Healthy Moms, Healthy Babies: Empowering Every Step of Motherhood” nitong Septyembre 24 sa Hermoza Covered Court.
Dinaluhan ito ng 66 na buntis at ina mula sa iba’t ibang barangay, kasama ang mga eksperto sa kalusugan na nagbahagi ng mahahalagang gabay para sa ligtas at malusog na pagbubuntis at pagpapalaki ng sanggol.
Kabilang sa resource speaker sina Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya, na binigyang-diin ang prenatal at postpartum care, kabilang ang mga palatandaan ng peligro sa pagbubuntis (pagdurugo, matinding sakit ng ulo) na nangangailangan ng agarang atensyong medikal, eksklusibong pagpapasuso mula kapanganakan hanggang anim na buwan, at pagpapatuloy nito kasabay ng complementary foods, at responsableng pagpaplano ng pamilya para sa ligtas na pag-aanak at tamang pagitan ng mga anak.
Ipinunto naman ni RHU II Dentist, Dr. Alma Bandong, ang ugnayan ng kalusugan ng bibig sa pagbubuntis, lalo na ang panganib ng preterm birth at low birth weight kung may impeksyon. Kabilang sa payo niya ang pag-iwas sa sugary snacks at regular na pagdalaw sa dentista at tamang pangangalaga sa unang ngipin ng sanggol gamit ang fluoride toothpaste.
Tinalakay ni Munincipal Nutrinionist Venus Bueno ang kahalagahan ng unang 1,000 araw ng sanggol (mula pagbubuntis hanggang 2 taon) sa pag-unlad ng utak at katawan. Hinimok niya ang pagkain ng masustansyang pagkain batay sa Pinagyamang Pinoy Diet at 10 Kumainments, pakikilahok sa “Idol ko si Nanay” classes at suporta mula sa asawa o pamilya.
Ipinaliwanag naman ng Rural Health Nurse na si Lady Philina Duque ang national immunization program, na nagliligtas ng 2.5 milyong buhay taun-taon. Kabilang sa mga libreng bakunang tinalakay ang schedule para sa mga sanggol, buntis, at senior citizen at ang pagpapatunay na ang bakuna ay subok na, ligtas, de-kalidad, at epektibo.
Nagtapos ang programa sa paalala ng mga eksperto na ang sapat na kaalaman at suporta ang susi sa malusog na ina at ang sanggol nito. Ang bawat hakbang ng pagiging ina ay nangangailangan ng paghahanda mula sa pagbubuntis hanggang sa pagpapalaki ng anak.
“Kayo ang unang depensa laban sa mga sakit,” pagwawakas niya. (VMF/RSO; RHU III)










