Matagumpay na nakapagtapos ng renewal training sa Standard First Aid at Basic Life Support (SFA-BLS) ang mga health at non-health worker ng Rural Health Unit I (RHU I) sa ilalim ng pagsasanay na pinangunahan ng Philippine Red Cross – San Carlos Chapter.
Ito ay ginanap noong December 5-7, 2025 sa Hudor Resort, Bauang, La Union.
Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, muling na-certify ang lahat ng kalahok bilang mga first aiders at CPR providers, handang tumugon nang may kumpiyansa at kahusayan sa anumang sitwasyong pang-emergency.
Tinalakay sa training ang mahahalagang kasanayan tulad ng tamang pagresponde sa injury, pagbibigay ng cardiopulmonary resuscitation, at wastong paghawak sa iba’t ibang uri ng insidente.
Pinuri ang RHU I team sa kanilang dedikasyon na mapanatili ang mataas na antas ng kahandaan at serbisyo para sa kaligtasan ng komunidad, bilang bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng LGU-Bayambang tungo sa mas ligtas at mas matatag na bayan. (RSO; RHU I)









