RHU-Bayambang, Nagsagawa ng Aktibidad para sa mga “Ausome Kids” sa Pagdiriwang ng 22nd ADHD Awareness Week

Sa pakikiisa sa pagdiriwang ng 22nd ADHD Awareness Week na may temang “The Silver Lining of ADHD: Reasons to Celebrate,” nagsagawa ang Rural Health Unit (RHU) ng Bayambang ng mga makabuluhang aktibidad para sa mga “ausome kids” ngayong araw, Nobyembre 6, 2025, sa Buayaen SPED.

Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng mga tagapag-alaga ng mga batang may ADHD o ASD hinggil sa tamang pangangalaga, mga estratehiya sa pagharap sa mga hamon, at mga suportang makatutulong upang mapabuti ang kanilang kalagayan at kakayahang magbigay ng epektibong pag-aaruga.

Bukod dito, pinalawak din ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa nutrisyon at kalusugang pangbibig.

Ilan sa mga naging tagapagsalita sa naturang gawain ay sina Kathleen Dawn Barcelona, Nurse ng RHU II, na tinalakay ang “Care for Carers of Ausome Kids”; Dr. Adrienne Estrada, Rural Health Physician ng RHU II, na nagbahagi tungkol sa “Nutrition for Ausome Kids”; at Dr. Dave Junio, Dentist II ng RHU I, na nagbigay ng lektura hinggil sa “Oral Health.”

Nakiisa rin ang Yakult Company, na naghandog ng libreng Yakult at masayang mascot interaction para sa mga batang kalahok.

Sa kabuuan, 45 na kalahok ang nakibahagi sa nasabing aktibidad na nagbigay-inspirasyon at dagdag-kaalaman para sa mga tagapag-alaga ng mga “ausome kids” ng Bayambang. (RHU II/RSO; RHU II)