Resulta ng 2024 Census, Iprinesenta ng PSA sa Bayambang

Ang Philippine Statistics Authority (PSA) Pangasinan ay nagpresenta ng preliminaryong resulta ng 2024 Census of Population-Community Based Monitoring System (POPCEN-CBMS) nitong ika-11 ng Setyembre.

Layunin ng pagtitipon na ipakita sa mga lokal na opisyal at stakeholders ang mga datos na nakalap sa isinagawang census — mga impormasyong magiging mahalaga sa pagpaplano at pagbuo ng mga programa ng lokal na pamahalaan, gayundin sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng iba’t ibang proyekto.

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center sa pag-oorganisa ng Municipal Planning and Development Office (MPDO), sa pamumuno ni OIC-MPDO Ricky Bulalakaw.

 Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, department at unit heads, mga punong barangay, barangay health worker presidents, at iba pang mga opisyal ng Bayambang.

Hatid naman ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang mensahe ni Mayor Niña Jose Quiambao. Paalala niya, “higit pa sa bilang ang halaga ng tunay na saysay ng CBMS; ito ay nasa aksyon at responsibilidad na nagiging daan tungo sa mabuting pamamahala.”

Sinundan ito ng pagbabahagi ng mga paunang resulta ng CBMS na iprinesenta ni PSA Pangasinan Senior Statistical Specialist Verna M. Palsimon.

Kasunod nito, ipinaliwanag din ni PSA Pangasinan Statistical Analyst Allen Joy B. Paulo ang mga kagamitan, dokumento, at iba pang kailangang ihanda para sa pormal na pagsasalin ng datos sa Lokal na Pamahalaan.

Ang CBMS ay isang sistema ng pagmomonitor na naglalayong mangolekta ng datos sa antas ng komunidad upang magamit sa pagpaplano at paggawa ng mga polisiya. Ito ay isinasagawa upang magkaroon ng mas malinaw na larawan ng kalagayan ng bawat komunidad at matugunan ang kanilang mga pangangailangan base sa mga nakalap na datos. (VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez)