Rebolusyon Laban sa Kahirapan, Pinaigting ng Mega-Job Fair sa Bayambang

ni: Pia Yvonne A. Casingal

Bilang bahagi ng kampanya upang labanan ang kahirapan, inilapit ng PESO-Bayambang sa mga mamamayan ang trabaho sa pamamagitan ng isang Mega-Job Fair sa Balon Bayambang Events Center kung saan dinumog ito ng daan-daang Bayambangueño noong Abril 5.

Dalawampu’t siyam ang mga natanggap “on the spot,” habang 191 sa 280 na nagpatala ang nagkwalipika sa iba’t ibang sektor at kumpanya.

Labing-anim na lokal na kumpanya ang nagbukas ng iba’t ibang trabaho gaya ng Staff Search Asia Service Cooperative, Clean Edge Manpower Solution, Sutherland Global Services (Tarlac), Sun Life Canada Phils., Inc., JKQ Medical & Wellness Center, RPR Promotions (CSI), RMS Collect Phils., Inc (iQor), CSFirst Green AgriIndustrial Development Inc., SM Hypermarket, Tulay sa Pag-unlad Inc., One Source General Solutions Inc ., SP Madrid and Associates, San Miguel Brewery Inc., Tarlac A+ Lending Co. Inc., Topwill Marketing Development Corp. (Savewise Supermarket Phils), Starman Enterprises Inc., Clean Edge Manpower Solution, Sutherland Global Services, at Sun Life Canada Philippines, habang limang overseas agencies ang nagbukas, kabilang ang PhilAsia Human Resources Inc., Staffhouse International Resources Corp., Agility International Manpower Solutions (AIMS) Inc. mula Japan, Hopewell Overseas Manpower Network Inc., at Jenerick International Manpower Corp.

Maliban pa rito, naroon din ang mga ahensyang PhilHealth, SSS, at PAG-IBIG upang mapabilis at hindi na mahirapan pa sa pagkuha ng mga kakailanganing dokumento ang mga aplikante.

Ang oportunidad na ito ay eksklusibong inilaan para sa mga mamamayan ng Bayambang.

Isa lang ito sa maraming hakbang na ginagawa ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga Bayambangueño na magkaroon ng maayos na hanapbuhay at mapagaan ang kanilang estado ng pamumuhay.

Ang pagtugon din ng mga mamamayan sa nasabing job fair ay manipestasyon na sila ay may marubdob na hangaring mapaunlad ang sarili sapagkat ang pag-unlad ng isang lugar ay hindi lang nakasalalay sa mga nanunungkulan; kailangan rin ang pakikisangkot ng mga nasasakupan.

(larawan: Ronalyn Junio, Jayvee Baltazar)