Pormal na ipinagdiwang ang ika-pitong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan sa pamamagitan ng isang matagumpay na culmination activity sa Balon Bayambang Events Center noong Agosto 28, 2024, kung saan ito ay dinaluhan ng lahat ng local officials sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao at former mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, at mga matataas na opisyal mula sa provincial government, Department of the Interior and Local Government (DILG), National Anti-Poverty Commission (NAPC), National Economic Development Authority (NEDA), Department of Agriculture (DA), at Cooperative Development Authority (CDA).
Sa pambungad na mensahe ni Municipal Administrator at BPRAT Chairperson, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kanyang inala-ala na ito ang araw ng kaganapan ng ilang linggong pagpupunyagi ng buong LGU, sa pangunguna ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT), upang tunghayan ang iba’t ibang mukha ng kahirapan, gaya ng korapsyon, drug addiction, mental health, at populasyon, at pagtibayin ang nalalabing tatlong taon ng rebolusyon.
Sunud-sunod namang nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe sina Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, DPA; NEDA Region I Director Irenea B. Ubungen; CDA Assistant Regional Director Edilberto Unson, at DILG Provincial Director, Atty. Virgilio Sison.
Sumang-ayon si RD Ubungen sa ‘diagnosis’ ng Bayambang na “multidimensional” ang problema sa kahirapan, at masaya niyang inanunsyo na personal niyang nasaksihan ang napakalaking pagbabago ng Bayambang magmula noong siya’y maparito taong 2017.
Natutuwang pahayag naman ni PD Sison, “Tanging ang Bayambang lamang ang alam kong LGU na may proyektong Rebolusyon Laban sa Kahirapan.”
Naroon din sina Board Member Hon. Raul R. Sabangan, 3rd District Board Members, Dr. Shiela Baniqued at Engr. Vici Ventanilla, DILG Cluster Leader Melinda Buada, at former Mayor ng Urbiztondo Martin Sison, at iba pang NAPC officials upang magbigay ng suporta sa nasabing programa.
Bilang kinatawan ng NAPC, binigyang-diin ni Usec. Esnaen M. Catong na, “Bayambang [is] the first municipality among the thousands all over the country that [is] trailblazing the local poverty reduction action plan. Dito sa Bayambang, meron tayong malaking pag-asa na mawakasan ang kahirapan.”
Magkagayon man, kahit maraming resources ang ating gobyerno, nilinaw niyang limitado pa rin ang kayang ibigay nito, at personal na responsibilidad pa rin ng bawat indibidwal ang pag-angat sa estado ng buhay.
Naging highlight ng programa ang paglunsad ng aklat na inilimbag ng BPRAT na “Recalibrated Bayambang Poverty Reduction Plan 2024-2028.” Ang bagong plano ay naglalaman ng mga updated na estratehiya at proyekto na nakatuon sa iba’t ibang aspeto ng pag-unlad tulad ng edukasyon, kalusugan, kabuhayan, at imprastruktura sa bayan. (Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; JMB)