Isinagawa ng Sangguniang Bayan (SB) ang isang serye ng pampublikong pagdinig ukol sa ilang mahahalagang panukalang ordinansa ngayong araw, Nobyembre 15, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.
Kabilang sa mga tinalakay sa pangunguna nina Councilor Levinson Nessus Uy, Chairman ng Committee on Commerce, Market, Trade and Industry, at Councilor Zerex Terrado, Chairman ng Transportation and Communication, ang mga sumusunod:
—Pagpapatupad ng paggamit ng QR PH digital payments sa lahat ng negosyo at lokal na transportasyon sa ilalim ng Paleng-QR PH Program, upang maisulong ang mas mabilis, ligtas, at episyenteng transaksyon sa mga mamamayan at negosyante;
—Pagpapasimple ng mga rekisito sa pagkuha ng Business/Municipal Mayor’s Permit at mga Special Permits, bilang bahagi ng repormang naglalayong pabilisin at gawing mas magaan ang proseso para sa mga lokal na negosyo;
—Implementasyon ng Odd-Even Tricycle Volume Reduction Scheme, na naglalayong mapagaan ang daloy ng trapiko at masiguro ang maayos na operasyon ng mga tricycle sa mga pangunahing kalsada ng bayan; at
—Pagkakaloob ng karagdagang tricycle franchise upang tugunan ang isyu ng mga colorum na tricycle at mapanatili ang maayos na pamamahala sa sektor ng transportasyon.
Hinimok ng SB members, sa pamumuno ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at mga dumalong department heads, ang lahat ng residente, negosyante, at mga stakeholder na magpahayag ng kanilang mga saloobin, at aktibong namang nakibahagi at nagpahayag ang mga ito ng kani-kanilang mga pananaw hinggil sa mga naturang panukalang.
Sa naturang pagdinig, direktang nakasali ang publiko sa pagbalangkas at pagpinalisa ng mga naturang ordinansang sumasaklaw sa kalakalan, transportasyon, at proseso ng pagkuha ng mga permit. (Charlaine Melendez, RGDS/RSO; WMC)














