Sumailalim ang PWD Federation of Bayambang sa “Orientation on How to Organize a Cooperative and Pre-Registration Seminar (PRS)” na pinangunahan ng Persons with Disability Affairs Office at Bayambang Municipal Cooperative Development Office, katuwang ang Cooperative Development Authority (CDA).
Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kasapi ng PWD Federation hinggil sa wastong proseso ng pagtatatag at pagpapatakbo ng isang kooperatiba.
Tinalakay sa orientation ang mga pangunahing hakbang sa pagbuo ng kooperatiba, kabilang ang pagbuo ng organisadong grupo, paghahanda ng mga dokumento, at pag-unawa sa legal at administratibong rekisito ng CDA.
Nagbigay rin ang mga tagapagsanay ng mahahalagang gabay upang matiyak na magiging matatag, inklusibo, at kapaki-pakinabang ang kooperatibang itatayo para sa sektor ng mga kababayang may kapansanan.
Sa pagtatapos ng seminar, nagpahayag ng pasasalamat ang PWD Federation sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan at CDA upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagtayo ng sariling kooperatiba bilang hakbang tungo sa mas sustainable at mas empowered na pamayanan. (RSO; PDAO)







