Public Hearing ukol sa Pagbabawal sa mga Kolorum na Tricycle at Pagpapakabit ng mga CCTV, Isinagawa

Ang Sangguniang Bayan ay nagdaos ng public hearing noong  ika-14 ng Mayo 2024, para sa dalawang panukalang ordinansa ukol sa kolorum na tricycle at ang pagpapakabit ng mga CCTV sa mga pampublikong lugar. Ang hearing ay inorganisa ng Office of the SB Secretary at ginanap sa Balon Bayambang Events Center.

Ito ay dinaluhan ng mga TODA President, ilang mga estudyante, at mga barangay official ng Bayambang.

Ang unang panukala ay “An Ordinance Prohibiting the Operations of Colorum Tricycle for Hire in the Municipality of Bayambang and Providing Penalties for Violation Thereof.” Sa hearing ay tinalakay ang pagbabawal sa mga tricycle na walang prangkisa na isang hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero mula sa posibleng panganib na dulot ng mga hindi lisensyadong drayber at traysikel.

Ang ikalawa naman ay ang panukalang “An Ordinance Requiring the Installation of Video Surveillance Camera or Closed-Circuit Television (CCTV) System in All Business Establishments, Commercial Complexes, Public Buildings, Schools and Other Learning Institution in the Municipality of Bayambang and Providing Penalties for Violation Thereof.”

Nilalayon naman ng panukalang ordinansang ito na mapabuti ang seguridad at kapayapaan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, isang paraan upang bantayan ang mga aktibidad ng mga indibidwal at agad na maaksyunan ang anumang insidente ng kriminalidad sa iba’t ibang pampublikong lugar sa Bayambang.

Ang naturang pagdinig ay inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho at pinangunahan nina SB Committee Chairman on Transportation and Communication, Councilor Amory Junio at SB Committee Chairman on Peace and Order, Councilor Martin Terrado II, kasama sina Councilor Gerardo Flores, at Councilor Levinson Nessus Uy. Naroon din ang ilang concerned department heads. (nina Vernaliza M. Ferrer, Maricar Perez/RSO; larawan ni: Ace Gloria)