PSU at BPC OJTs at Work Immersion Students, Tinanggap sa LGU-Bayambang

Masayang sinalubong ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang bagong batch ng mga on-the-job trainees (OJT) at work immersion students mula sa Pangasinan State University (PSU) Bayambang Campus, Bayambang Polytechnic College (BPC), at Bilad National High School.

Personal na pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang orientation program para sa mga OJT at work immersion students. Sa kanyang mensahe, nagbigay siya ng kaunting ideya tungkol sa mga gawain at serbisyo ng LGU-Bayambang at nagpaalala ng mahahalagang aral tulad ng “Always be humble, work hard, and be patient.”

May kabuuang 286 na mag-aaral ang tinanggap mula sa batch na ito, kung saan 184 ay mula sa PSU-Bayambang Campus, 92 mula sa Bayambang Polytechnic College, at 10 work immersion students mula sa Bilad National High School.

Nagbigay rin ng orientation si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, kung saan ipinaliwanag niya ang iba’t ibang trabaho at tungkulin sa loob ng LGU-Bayambang. Tinanong din niya ang mga estudyante tungkol sa kanilang ideya at pananaw sa lokal na pamahalaan at tinalakay kung gaano kahalaga ang papel ng LGU sa pagseserbisyo sa mga mamamayan.

Kasama sa pagtanggap ang mga kawani ng PESO-Bayambang sa ilalim ng pamumuno ni SLEO Gernalyn J. Santos, kung saan winelcome niya ang mga OJT at work immersion students at nagbigay ng mensaheng, “Lahat ng bagay ay nakakamit kapag nagsisikap tayo.”

Ang aktibidad ay nagsilbing mahalagang gabay at inspirasyon para sa mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa aktuwal na mundo ng pagtatrabaho o paggawa. (Mark Andrei se Luna/RSO; RobC, PESO)