PSA, Inorient ang mga Opisyal sa Barangay ukol sa POPCEN-CBMS 2024

Noong May 15, 2024, sumailalim sa orientation ang 77 Punong Barangay at mga Barangay Secretary sa Balon Bayambang Events Center ukol sa magaganap na 2024 Census of Population and Community-Based Monitoring System Barangay Profile Questionnaire (BPQ) Data Collection at Service Facilities and Government Project (SFGP) Listing.

Naging resource speaker sina Statistical Specialist Daisy Mae Fernandez at Statistical Analyst Josephine Rosario, na siyang nagpaliwanag isa-isa ng mga nilalaman ng forms sa Barangay Profile Questionnaire Data Collection at kanilang magiging parte sa gaganaping Census 2024 sa kani-kanilang mga barangay.

Sa pambungad na mensahe ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, aniya ay “Kinakailangan ang ganitong programa upang malaman ang tamang datos at hakbang na gagawin ng munisipyo para maging akma sa kung anu-anong mga programa ang gagawin para sa mga pangangailangan ng bawat Bayambangueño.” Magagamit ang datos na ito, aniya, sa mga pangkasalukuyang proyekto sa bayan.

Mensahe naman ni Liga ng mga Barangay President Raul R. Sabangan, “Mahalaga ang programang ito upang maging basehan ang latest na datos upang ma-reaassess kung anu-ano talaga ang mga mas nararapat na proyektong dapat gawin sa kanilang nasasakupan.”

Ang nasabing orientation activity ay pinangunahan ng Philippine Statistic Authority katuwang ang Municipal Planning and Development Office. (nina Daryl M. Mangaliag, Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan ni Ace Gloria)