Matagumpay na naipasa ang panukalang 2026 Annual Budget ng Bayambang, sa pagdinig ng Sangguniang Bayan (SB) Committee on Finance, Budget, and Appropriations na ginanap sa SB Session Hall ng Legislative Building nitong Oktubre 28.
Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama ang buong executive branch ng pamahalaang lokal, idinipensa sa pagdinig ang General Fund Annual Budget for 2026, Special Economic Enterprise (SEE) Annual Budget for 2026, at ang Annual Investment Program (AIP) ng bayan para sa susunod na taon, sa layuning matiyak na maipagpapatuloy ang mga programang may puso at mga makabuluhang proyekto para sa bawat Bayambangueño.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng pondo ng bayan at maayos na pagpaplano upang matiyak na bawat pisong gugugulin ay magreresulta sa konkretong benepisyo para sa mga mamamayan.
Dumalo rin sa pagdinig ang mga department at unit heads mula sa iba’t ibang tanggapan, sa pangunguna ni Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, upang ipresenta ang kani-kanilang mga programa, target, at pangangailangan para sa 2026. Naroon din ang mga representante ng civil society organizations (CSOs) upang makilahok sa talakayan.
Sa pagtatapos ng pulong, pinasalamatan ni Mayor Niña ang Sangguniang Bayan, sa pangunguna ni Hon. Jose Ramos, Chairman ng Committee on Finance, Budget, and Appropriations, pati na rin ang lahat ng department heads sa kanilang aktibong pakikilahok at dedikasyon.
Dagdag rin ng alkalde na ang bukas na talakayan at pagtutulungan ng bawat tanggapan ay patunay ng kanilang pangako sa transparency, accountability, honesty, at good governance, mga haliging patuloy na pinagtitibay ng administrasyon sa pagbuo ng isang mas maunlad at makataong Bayambang. (RGDS/RSO; Rob Cayabyab)



