Nagpulong ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 4th District, Department of Education (DepEd) Pangasinan Provincial Office, Office of the Municipal Administrator, at Municipal Engineering Office ng LGU-Bayambang upang talakayin ang ipinanukalang proyektong “Construction of Two (2) Storey Four (4) Classroom” Building sa Amancosiling Elementary School. Layunin ng proyekto na mapalakas ang pasilidad ng paaralan at matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa nasabing komunidad.
Sa ilalim ng napagkasunduan, ang LGU-Bayambang ang magsisilbing implementing unit ng proyekto, kung saan ang pondong nagkakahalaga ng ₱10 milyon ay ida-download sa lokal na pamahalaan. Ang LGU rin ang mangangasiwa sa proseso ng pagbi-bidding, sa pakikipag-ugnayan sa DPWH at DepEd.
Bilang bahagi ng proseso, magsusumite ang LGU-Bayambang ng evaluation form sa DPWH 4th District upang matukoy kung ito ay may kakayahang ipatupad ang proyekto sa pamamagitan ng kontrata. Hihintayin ang resulta ng beripikasyon at ebalwasyon bago igawad ang Authority to Implement.
Kapag napatunayang may kapasidad ang LGU, isasagawa ang site inspection at validation upang suriin ang lokasyon at alamin kung kinakailangan ang anumang redesign batay sa aprubadong DPWH Standard Plans for School Buildings. Kasabay nito, bubuuin ang isang Tripartite Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DPWH, DepEd, at LGU-Bayambang, na magtatakda ng kani-kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
Matapos makumpleto ang lahat ng kinakailangang dokumento, papasok na ang proyekto sa bidding phase na susundan ng aktuwal na implementasyon. (GM/RSO; AG)




