Ang LGU, sa pangunguna ni Special Assistant to the Mayor (SATOM), Dr. Cezar T. Quiambao, kasama si Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr., concerned department heads, at ilang national agencies ay dumalo sa isang Pre-Demolition Conference noong Pebrero 16, sa Sangguniang Bayan Session Hall, kaugnay sa paanyaya ng opisina ng Presidential Commission for the Urban Poor ukol sa pagpapatupad ng Writ of Demolition na ipinag-utos ng Municipal Trial Court ng Bayambang hinggil sa Civil Case No. 1000.
Ang kaso ay tungkol sa isang pag-aari na lupa ng LGU na matatagpuan sa Brgy. Magsaysay na pinamahayan ng ilang illegal occupants.
Sa kumperensyang ito, ipinaliwanag ang proseso ng napipintong pag-okupa ng Munisipyo sa nasabing lote at kung papaano matutulungan ang mga apektadong pamilya sa magaganap na demolisyon, batay sa Sec. 28 ng R.A. 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992. Ito rin ay nagbigay ng pagkakataon para sa lahat ng apektadong pamilya na magbahagi ng kanilang mga saloobin para sa mas mapayapa at maayos na demolition operation.
Ayon kay SATOM Quiambao, “Kailangan ipatupad ang batas, kaya sana maiintindihan natin ito. Kung anumang tulong ang kailangan ninyo sa paglipat ng mga kagamitan, pang-edukasyon ng inyong anak… narito ang lokal na pamahalaan. Magsabi lamang kayo. Kami ay handang tumulong sa inyo.”
Sa naturang lote, isang bagong Social Annex Hall ng Municipio ang ipatatayo para sa mas malawak na paghahatid ng iba’t ibang social services ng MSWDO. (ni Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan: Ace Gloria)