POPS Plan Formulation Workshop, Ginanap

Isinagawa noong Setyembre 29, 2025, ang isang Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan Formulation Workshop na naglalayong buuin ang komprehensibong plano para sa kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng publiko sa mga taong 2026-2028.

Ang workshop ay inorganisa ng Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) sa pamumuno ni MLGOO Editha Soriano at Municipal Planning and Development Office sa pamumuno ni OIC MPDO Ricky S. Bulalakaw, at dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang departamento ng LGU, national agencies at CSOs mula sa Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC).

Ang lahat ng miyembro ay nagpapakita ng nagkakaisang layunin para sa isang payapa at ligtas na komunidad.

Ang buong araw na sesyon ay sumaklaw sa iba’t ibang mahahalagang paksa, simula sa pangkalahatang pagtalakay sa “Peace and Order and Public Safety Planning.”

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng workshop ang masusing pagrepaso ni MLGOO Soriano sa lokal na estratehikong direksyon, pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan, at pagtukoy sa mga pangunahing hamon.

Malalim ding tinalakay ni G. Bulalakaw ang pagtatakda ng mga layunin, estratehiya, target, at indicator, kasama ang pagkalap ng baseline data at ang mga kritikal na polisiya, programa, proyekto, serbisyo, at aktibidad, gayundin ang mga pangangailangan sa pondo at aktuwal na alokasyon.

Isinama rin sa programa ang pagtalakay sa Local Anti-Illegal Drug Plan of Action (LADPA) at ang presentasyon ng nakaraang POPS Plan (2023-2025).

Ang pinakamahalagang bahagi ng workshop ay ang joint drafting ng POPS Plan, kung saan ang LADPA ay isasama bilang isang mandatory focus ng plano, bilang pagpapakita ng matinding pagtutok sa paglaban sa ilegal na droga bilang mahalagang sangkap ng pangkalahatang kaayusan.

Sa mensahe ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pagpapatupad ng mga polisiya para sa kaligtasan ng mga mamamayan ng Bayambang.

Nagkaroon din ng presentasyon ng mga output mula sa workshop at pagtalakay sa mga susunod na hakbang o “way forward” upang matiyak ang epektibong implementasyon ng plano.

Sa POPS Plan Formulation Workshop, inaasahan ang isang mas matatag at epektibong plano para sa kapayapaan at pampublikong kaligtasan ng munisipalidad sa mga darating na taon. (Charlaine T. Melendez/ VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez, JMB)