PNP-Bayambang, Pinahigpit ang Operasyon Kontra Ilegal na Paputok

Sa direktiba ni Mayor Niña Jose-Quiambao, mas pinaigting ng Bayambang Municipal Police Station (BMPS) ang kanilang operasyon laban sa ilegal na pagbebenta at paggamit ng paputok bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng mga okasyon sa bayan.

Kamakailan ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng PNP-Bayambang sa itinalagang firecracker zone sa Zone VI, kung saan may mga napansing kakulangan at paglabag sa itinakdang alituntunin. Ayon sa hepe ng pulisya na si PLtCol. Rommel Bagsic, patuloy ang kanilang pagbabantay at pagpapaalala sa mga tindero upang matiyak na sumusunod ang lahat sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Bukod dito, patuloy din ang isinasagawang operasyon ng PNP laban sa ilegal na pagbebenta ng mga paputok, lalo na ang mga ipinagbabawal at mga improvised firecrackers na nagdudulot ng matinding panganib sa kaligtasan ng publiko. Inamin ng kapulisan na marami pa ring pasaway na patuloy na nagbebenta at gumagamit ng mga bawal na paputok sa kabila ng mga paalala.

Nananawagan ang PNP-Bayambang sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga ilegal na nagbebenta ng paputok upang agad na maaksyunan ng mga awtoridad. Layunin ng kampanyang ito na maiwasan ang aksidente, pinsala, at iba pang insidenteng maaaring makapinsala sa buhay at ari-arian ng mga Bayambangueño.

Binigyang-diin ng kapulisan na ang kaligtasan ng bawat mamamayan ang pangunahing layunin ng kanilang patuloy na information dissemination at mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na paputok. (RSO; PNP)