PNP-Bayambang, Agad Naglunsad ng Malawakang Info Drive sa mga Paaralan kontra Pagkalunod

Nagsagawa ng home at school visitation at malawakang information operation ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Bayambang kaugnay ng magksasunod na insidente ng pagkalunod sa dalawang barangay sa bayan.

Sa pangunguna ni PLtCol Rommel Bagsic, binigyang-diin sa mga mag-aaral at guro ang kahalagahan ng ibayong pag-iingat lalo na sa pagligo sa ilog at iba pang anyong-tubig, pati na ang agarang pag-uulat sa mga kinauukulan upang maiwasan ang trahedya.

Tinalakay rin sa isinagawang information drive ang anti-suicide campaign, na naglalayong palakasin ang kamalayan sa mental health at hikayatin ang mga kabataan na magsalita at humingi ng tulong sa oras ng pangangailangan.

Kasama rin sa kampanya ang road safety awareness, partikular ang paalala na “Slow Moving Vehicles sa Kanan,” bilang bahagi ng pagpapatupad ng mas maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa mga lansangan ng Bayambang.

Ayon sa PNP, magpapatuloy ang ganitong mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Bayambangueño, lalo na ng kabataan, sa pamamagitan ng mas pinaigting na edukasyon at presensya ng kapulisan sa komunidad. (RSO; PNP)