Ang Pinoy Workers Partylist, sa pamamagitan ni Board Member Raul R. Sabangan, Pangulo ng Liga ng mga Barangay-Pangasinan Chapter, ay nagpamahagi ng food assistance, sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan nitong Nobyembre 11 sa Pavilion I ng Prayer Park.
Umabot sa 325 na benepisyaryo ang nakatanggap ng P10,000 bawat isa, na eksklusibong inilaan para sa mga miyembro ng kooperatiba ng mga jeepney driver at mini-bus driver, conductor, at operator sa bayan.
Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang programa kasama ang iba’t ibang opisyal, kabilang na ang kanyang kinatawan na si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at si Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, at sina Konsehal Zerex T. Terrado at Konsehal Jocelyn S. Espejo.
Dumalo rin si LTFRB-Region I Regional Director Cristal R. Sibayan gayundin si Municipal Councilor Jessica Gueco bilang kinatawan ni Cong. Rachel ‘Baby’ Arenas.
Sa mensahe ni BM Sabangan, ang tulong ay bahagi ng mas malawakang adyenda ng partylist na “isulong ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.”
Binigyang-diin ni Councilor Zerex T. Terrado, Chairman ng Committee on Transportation and Communication, ang kahalagahan ng suporta sa transport sector, lalo’t kasama sa benepisyaryo ang mga drayber at operator na apektado ng mga hamon sa industriya.
Plano ng partylist na palawakin pa ang mga ganitong programa sa iba pang sektor, bilang bahagi ng kanilang layuning tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa sa bansa. (VMF/RSO; VMO)







