Pinakamataas sa Rehiyon Uno: 868 na 4Ps Members, Nagsipagtapos; 37 Dito, Nag-waive

Ang bayan ng Bayambang ay nagkamit muli ng may pinakamaraming bilang ng graduate na 4Ps sa Region I sa 2024, matapos pormal na magtapos at mag-exit mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang 868 na benepisyaryo sa bayan ng Bayambang noong  ika-22 ng Nobyembre, 2024 sa Balon Bayambang Events Center.

37 sa mga graduates ay nag-waive o kusang umalis na sa programa.

Ang programang 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isa sa naging daan upang maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap at makawala sa tanikala ng kahirapan.

“Itong 4Ps ay nakatulong para maitawid ang ilang taon na hamon ng bawat pamilya. Kayo ay nasa mas maayos na estado na ng buhay kung tutuusin, pero ang LGU-Bayambang ay patuloy pa ring nakaalalay sa bawat Bayambangueño,” pahayag ni MTICAO Head at former BPRAT Chairman, Dr. Rafael L. Saygo.

Sa okasyong ito, unang ipinahayag ni Ms. Mary Anne S. Olpindo, DSWD-R1 Municipal Link, ang mga accomplishments ng 4Ps sa mga nakaraang taon.

Iprinesenta naman ni MSWD Officer, Kimberly P. Basco, ang Sustainability Plan 2024, na layuning siguraduhin ang pagpapatuloy na pag-unlad ng mga pamilyang nagsipagtapos sa programa. Kasabay nito, inendorso ni 4Ps Director Chief Rosalyn L. Descallar, bilang representante ni DSWD FO1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan, ang mga graduating household beneficiaries sa lokal na pamahaalan ng Bayambang bilang mga pamilyang handa nang maging independyente.

Bilang representante ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ipinahayag naman ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na, “Sa inyong pagtatapos sa araw na ito, nawa’y magsilbing paalala ang inyong tagumpay that very soon, kaya na nating maabot ang layunin na ‘zero 4Ps’ sa ating bayan.” 

“Patuloy po ang suporta ng ating probinsya sa bawat proyekto para sa ating mga kababayan. Huwag po kayong mag-alala, kami po ay naririyan lamang upang magbigay ng tulong at suporta sa lahat ng pagkakataon,” mensahe naman ni Provincial Board Member, Dra. Shiela Baniqued.

Pinangunahan naman ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan ang “Panunumpa Laban sa Kahirapan,” at kanya ring hinikayat ang mga nagsipagtapos na magsilbing halimbawa sa iba pang pamilyang nangangarap na makaahon mula sa kahirapan.

Ito ay sinundan ng mga testimonya mula sa ilang miyembro at kanilang ibinahagi kung paano binago ng 4Ps ang kanilang buhay.

Panapos na mensahe ni POO Pangasinan Provincial Link-4Ps Evafe L. Terte, “Ang pagtatapos na ito ay simula ng mas magagandang pagkakataon para sa bawat pamilyang nagtapos. Ang DSWD ay patuloy na magiging katuwang ninyo sa inyong laban kontra kahirapan.”

Ang mga nagsipagtapos ay pinabaunan ng bigas mula sa AILC at certificate mula sa DSWD.