Pilot Vertical Garden Project, Itinayo sa Munisipyo

Patuloy na namumunga ang mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan para sa mas luntiang kapaligiran sa Bayambang. Isa sa mga proyektong ipinatupad ng Municipal Environment and Natural Resources Office at Ecological Solid Waste Management Office (MENRO-ESWMO) ay isang pilot vertical gardening project na matatagpuan sa pader o bakod sa likurang bahagi ng gusali ng Project Management Office ng Municipal Engineering Office (MEO).

Mula sa simpleng taniman, isa na itong maayos at produktibong gulayan na ngayon ay hitik sa mga halamang gulay gaya ng pechay at kangkong. Malalaki at malulusog na ang mga pananim, na nagsisilbing patunay sa matagumpay na pangangalaga at pagpapanatili ng proyekto.

Ayon sa MENRO-ESWMO, ang proyekto ay bunga ng mungkahi ni Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad, at naisakatuparan sa pakikipagsanib-puwersa ng ESWMO sa Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Nutrition Action Office (MNAO), Municipal Health Office (MHO), Municipal Agriculture Office (MAO), at General Services Office (GSO).

Bukod sa pagpapaganda ng paligid, layunin din ng vertical garden na hikayatin ang mga mamamayan na magtanim kahit sa limitadong espasyo gamit ang recyclable plastic containers bilang paso at palaganapin ang kahalagahan ng urban gardening para sa seguridad sa pagkain habang pinangangalagaan din ang kalikasan. (RSO; ESWMO)