Pigmented Rice Brew, Inilunsad sa Bayambang; PhilGAP Certificates, Iginawad sa mga Magsasakang Bayambangueño

Opisyal na ipinakilala ang Pigmented Rice Brew, isang alternatibong inumin na mula sa powdered roasted red at brown rice na gawa ng RiceBIS Bayambang Agriculture Cooperative (RBAC), sa ginanap na product launching, tasting, evaluation nito ngayong araw, April 21, 2026, sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park, Brgy. Bani.

Ang naturang produktong likha ng RBAC sa tulong ng LGU-Bayambang, DA, at DTI, ay naglalayong makapagbigay ng mas malusog na opsyon sa kape at sabay na maitampok din ang ani ng mga lokal na magsasaka ng pigmented rice sa bayan.

Ilan sa mga kaaya-ayang katangian ng rice brew ay ang pagiging caffeine-free nito, walang preservatives, at mayaman sa natural antioxidants, na inaasahang makatutulong sa kalusugan habang nagbibigay ng dagdag na merkado para sa produktong agrikultural ng Bayambang.

Kasabay nito, ginawaran ng mga PhilGAP certificate ang mga benepisyaryong magsasaka bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa pamantayan ng Good Agricultural Practices, sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office I.

Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office sa ngalan nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad.

Naroon din ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at tanggapan, kabilang sina Acting Assistant Regional Director/Provincial Director Natalia B. Dalaten; Division Chief ng Business Development Division, Atty. Joseph Manuel P. Pamittan; Regional Executive Director ng DA-RFO I Fidel L. Libao, MMPA; at Chief ng Regulatory Division, Dr. Maria Remedios H. Pajatin.

Nagtapos ang programa sa closing remarks ni RiceBIS 2.0 Program Leader, Dr. Diadem Gonzales-Esmero, na nagpaabot ng pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa inisyatibang ito tungo sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka sa Bayambang. (RGDS/RSO; JMB)