Philips Azurion 7 Biplane B20 System sa Cardiac Cathlab ng JKQMWCI: Kauna-unahan sa Pangasinan

Hindi na kailangang bumiyahe nang malayo para lamang makakuha ng specialized cardiac care.

Ito ay matapos isagawa ang isang mahalagang hakbang tungo sa mas moderno, mabilis, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan–ang contract signing ceremony para sa Cathlab Project sa pagitan ng Aimed Advanced Imaging Solutions Inc. at Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center Inc. (JKQMWCI).

Sa ilalim ng proyekto, ilalagay sa JKQMWCI ang Philips Azurion 7 Biplane B20 System, isang makabagong X-ray system para sa cardiac intervention at advanced 2D at 3D imaging mula ulo hanggang paa. Ito ang kauna-unahang ganitong equipment na ilulunsad sa buong Pangasinan at kabilang sa pinakabagong teknolohiya ng Philips Philippines.

Malaki ang maitutulong nito sa mga mamamayan dahil mas mailalapit ang advanced cardiac care, mas mapapabilis ang pagsusuri at intervention, at mababawasan ang oras at gastusin sa pagbiyahe. Dagdag pa rito, covered ng PhilHealth ang mga kuwalipikadong serbisyo at procedure, na makatutulong upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pasyente at kanilang pamilya.

Nagbigay ng mensahe sa okasyong ito sina Dr. Estrella Quiambao-Glorioso, CEO; Atty. Arnel C. Glorioso, Hospital Administrator; Dr. Dave Gamboa, Medical Director; at Dr. Nicolas Miguel, Chief of Clinics ng JKQMWCI, at gayundin sina Seneriza Castro, Country Manager ng Philips Philippines, at Jonathan Tabisaura, President ng Aimed Advanced Imaging Solutions Inc.

Ipinakita naman ni Vincent Ismael, Modality Sales Specialist ng Aimed, ang makabagong kakayahan ng Philips Azurion system.

Ayon sa JKQ, sa pamamagitan ng Cathlab, “hearts don’t stop, but rather they restart.”

Inaasahang matatapos ang installation ng Cathlab Project sa JKQMWCI sa loob ng 6 hanggang 9 na buwan. (KBP/RSO; JAPB)