Bumisita sa Bayambang si Sgt. Jessie Sumibcay ng Finance Service ng Philippine Army, mula sa Armed Forces of the Philippines Headquarters sa Fort Andres Bonifacio, upang maghatid ng panibagong pagkakataon sa mga Bayambangueño na nagnanais maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng serbisyo-militar.
Mainit siyang tinanggap nina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at ng Public Employment Service Office (PESO) ng Bayambang sa pamumuno ni Gernalyn J. Santos, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lokal na magbukas ng mga oportunidad para sa mamamayan.
Layunin ng recruitment outreach na makahikayat ng mga bagong kawal—mga kabataang handang ialay ang lakas, talino, at tapang para sa pagtatanggol ng bayan at paglilingkod sa sambayanan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month, binigyang-diin na ang panawagang ito ay hindi lamang para sa kalalakihan. Bukás din ang pintuan para sa mga kababaihang may pusong mandirigma at hangaring maging bahagi ng sandatahang lakas ng bansa.
Inaanyayahan ang mga interesadong aplikante na magtungo sa nalalapit na Mega Job Fair sa Marso 30, 2026 na gaganapin sa St. Vincent Ferrer Prayer Park.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa tanggapan ng PESO o sundan ang kanilang opisyal na Facebook page. (PESO/RSO; PESO)




